top of page

   

     Ang pandiwa o berbo ay bahagi ng pananalita na nagsasaad ng kilos o galaw. Ito ay tinatawag na verb sa wikang Ingles.

Mga halimbawa:

  • Pumunta ako sa tindahan

  • Binili ko ang tinapay

  • "Kumain" ako ng tinapay kaninang umaga

 

Pokus o tuon ng Pandiwa

 

         Pokus o tuon ng pandiwa ay ang tawag sa relasyong pansemantika ng pandiwa sa simuno o paksa ng pangungusap. Naipapakita ito sa pamamagitan ng taglay na panlapi ng pandiwa.

 

Tagaganap o Aktor

 

      Ang paksa ang tagaganap ng kilos na isinasaad ng pandiwa sa pangungusap. Ito ay sumasagot sa tanong na "sino?"

(mag- , um- , mang- , ma- , maka- , makapag- , maki- , magpa-)

Naglunsad ng proyekto ang mga kabataan.

Si Anne ay humingi ng payo sa kanyang kapatid tungkol sa kanyang suliranin.

 

Layon

 

       Ang paksa ang layon ng pandiwa sa pangungusap. Ito ay sumasagot sa tanong na "ano?". Tinatawag ito direct object sa wikang Ingles.

(-in- , -i- , -ipa- , ma- , -an)

Binili ni Jomelia ang bulaklak.

Ang ulam na masarap ay niluto ni nanay para sa amin.

 

Ganapan o Lokatibo

 

       Ang paksa ang lugar na ginaganapan ng pandiwa sa pangungusap.Ito ay sumasagot sa tanong na "saan?"

(pag-/-an , -an/-han , ma-/-an , pang-/-an , mapag-/-an)

Dinaraan ng tao ang kalsada.

Ang tindahan ang pinagbilhan ni Jomelia ng bulaklak.

 

Tagatanggap o Benepaktibo

 

        Ang paksa ang tumatanggap sa kilos ng pandiwa sa pangungusap. Ito ay sumasagot sa tanong na "para kanino?"

(i- , -in , ipang- , ipag-)

Kami ay ipinagluto ni nanay ng masarap na ulam.

Pinakilala sa madla ang kampeon.

 

Gamit o Instrumental

 

            Ang paksa ang bagay na ginagamit upang maisagawa ang kilos ng pandiwa sa pangungusap. Ito ay sumasagot sa tanong na "sa pamamagitan ng ano?"

(ipang- , maipang-)

Ipinangsulat niya ang pentel pen para mabasa nila ang nakasulat.

Si Luciano Pavarotti ay pinagkalooban ng talino sa pag-awit.

 

Sanhi o Kosatibo

          Ang paksa ang nagpapahayag ng sanhi ng kilos ng pandiwa sa pangungusap. Ito ay sumasagot sa tanong na "bakit?"

(i- , ika- , ikina-)

Ikinalungkot ng mga bata ang hindi nila pagkikitang mag-anak.

Ang pagkain ng mayaman sa kolesterol ang ipinagkasakit sa puso ni Tong.

 

Direksyunal o Direksiyon

 

         Ang paksa ang nagsasaad ng direksiyon ng kilos ng pandiwa sa pangungusap. Ito ay sumasagot sa tanong na "tungo saan/kanino?"

(-an , -han , -in , -hin)

Sinulatan niya ang kanyang mga magulang.

Pinuntahan ni Maryse ang tindahan para mamili ng kagamitan.

 

 

 

 

 

 

 

 

 

 

bottom of page