ANG MGA KAPAMPANGAN AT ANG KANILANG PANITIKAN WIKA
Ang tawag sa wikang sinasalita ng mga Kapampangan ay “Pampango” o “Kapampangan”. Ito ay miyembro ng Wikang Malayo-Polynesia . Noong 1571, napag-alaman ng mga Español na ang palapantigan ng wikang ito ay maaring iugat sa wikang Devangari . Ito ay may sariling ortograpiya at alpabeto. Kapansin-pansin sa alpabetong ito ang kawalan ng titik “h”. Noong 1896, nailimbag ang isang aklat tungkol sa Kapampangang alpabeto sa pamagat na “Alfabeto Pampango” na isinulat ni Alvaro de Benavante. Sa kasalukuyan, karamihan ng mga taong nagsasalita ng Kapampangan ay nakatira sa mga lalawigan ng Pampanga at Tarlac subalit mayroon din naman sa ilang bahagi ng Zambales at Bataan .
BAGO ANG PANANAKOP
Bago pa man dumating ang mga Español sa Pampanga, mayroon ng umiiral na sistema ng pamamahala dito. Ayon kay H. Otley Beyer, ang pamayanang nanirahan sa lupain ng Pampanga ay nagmula pa sa Emperyong Madjapahit na namayagpag noong 300-200 B.K. (Bago kay Kristo) . Sa katunayan, nakalilikha na ng sobrang pang-agrikulturang produkto o “surplus” ang sistemang ito na nagdulot upang magkaroon sila ng pakikipagkalakalan sa iba pang grupo ng tao. Tulad ng maraming grupo ng tao sa bansa, ang mga tao sa Pampanga ay karaniwang naninirahan malapit sa ilog. Dahil dito, ang kanilang pangunahing kabuhayan ay pangingisda na karaniwan nilang ginagawa sa pamamagitan ng paggawa ng mga patibong at pagtatayo ng mga palaisdaan o “fish ponds”. Isa pang dulot ng pamamalagi malapit sa katubigan ay ang paggamit ng mga sasakyang pantubig bilang pangunahing uri ng paglalakbay. Gayunpaman, dahil nga mayaman rin ang Pampanga sa kapatagan, nagagawa rin nilang magsaka partikular na ng mga pananim tulad ng tubo at palay.
PANITIKAN
Noong mga panahong ito, mayroon ng iba’t ibang uri ng panitikan. Nariyan ang alamat, tumayla, bugtong, kuwentong bayan, salita, kasebian at awiting bayan.
Ang Alamat ng Sinukwan ay isa sa mga pinakatanyag ng Kapampangang alamat. Marami itong bersyon. Ang tumayla o tumaila ay hele o awiting pampatulog . Ito ay maituturing na orihinal sa mga Kapampangan .
Ang bugtong ay kilala rin sa tawag na “Bugtoñgan”. Karaniwan itong binibigkas sa mga lamayan at kasal. Sinasambit din ito sa mga kritikal na panahon kung saan nangangailangan ng mabigat na pagpapasya. Halimbawa, ang pagsagot sa isang bugtong ay maaring maging pahiwatig ng magandang kahihinatnan ng isang pangyayari at mapagpalang kapalaran . Ang sa ibaba ay mga halimbawa ng bugtong:
Metung a butil a pale (Isang butil ng bigas
Sakup ne ing mabilug a bale Sakop ang buong bahay.)
Sagot: Sulu Lampara
Salita naman ang tawag sa anumang panitikan na nakasulat sa tuluyan.
Tulad ng bugtong, ang kasebian o casebian ay binibigkas din sa mga pampublikong salu-salo tulad ng lamay at kasal. Ito ang katumbas ng salawikain ng mga Tagalog. Isang halimbawa nito ay ang sa ibaba:
Ing asung balabaluktut
Butul man e akapulut
(Isang asong nakabaluktot buong araw
Hindi makahahanap ng buto)
Ayon kay Alejandro Q. Perez, maaring hatiin ang awiting bayan ng Kapampangan sa maraming uri . Ang una ay ang basulto o basultu na karaniwang inaawit ng mga pastol sa bukid . Maari rin itong awitin habang isinasayaw . Ito ay pataludtod. Nang lumaon, naging isa na rin itong kompetisyon tuwing pista na sinasabayan ng musika at pagsayaw . Mga halimbawa nito ay may mga pamagat na “O Caca, O Caca”(O Brother, O Brother), “Tinanam Kung Kamantigi”, “Karin Pu Kekami” at “Puntung Biabas” .
Pangalawa ay ang pamuri. Ito ay mula sa salitang “buri” na ang ibig sabihin ay gusto. Ito ay isang awit ng pag-big o “love song”. Ang “Aruy! Katimyas na Nitang Dalaga” (Ay! Kaakit-akit ang Naturang Dalaga) at “Atsing Neneng” ay mga halimbawa nito.
Ang pangatlong uri ay ang pang-obra. Ito ay isang awit sa pagtatrabaho. Mga halimbawa nito ay ang “Bye Ning Kasamak” (Ang Buhay ng Magsasaka) at “Deting Tatanam Pale” (Itong mga Taong Nagtatanim ng palay). Sa mga nabanggit na halimbawa masisilayan ang panitikan bilang salamin ng pamumuhay ng mga tao – hanapbuhay sa kaso nito.
Ang pang-apat ay ang paninta na mula sa salitang “sinta” na ang ibig sabihin ay minamahal o pag-ibig. Kung ang pamuri ay para sa isang taong minamahal sa romantikong paraan, ang paninta naman ay para sa pamilya at kaibigan. Ang mga pamagat na “Ecu Pa Kelingwan” (Hindi Ako Nakalimot), “Ing Dalumdum ning Bengi” (Ang Kadiliman ng Gabi) at “Atin Ku Pung Singsing (Mayroon Akong Singsing) ay mga halimbawa nito . Ang huli ay kinakanta at itinuturo pa rin sa mga paaralan magpahanggang ngayon .
Panglima ay ang karagatan o caragatan. Ito ay isang patulang larong ginagawa tuwing may lamay. Ito ay ginagawa sa pamamagitan ng pagtatanong at pagsasagot gamit ang tula.
Pang-anim ay ang diparan. Ito ay tulad ng sawikain ngunit inaawit. Ang pangpito ay ang bulaklakan na isa ring paligsahan gamit ang pagtula kung saan may dalawang grupo – isa ng mga lalaki at isa rin na mga babae.
Ang pag-awit ng gawang pampanitikan at pagkakaroon ng tugma ay ang dalawang pangunahing katangian ng panitikang Kapampangan bago dumating ang mga mananakop. Ang tugma ay isang representasyon ng umiiral na kaayusan sa kapaligiran at buhay ng tao. Samakatuwid, para sa mga Kapampangan noong panahong yaon, ang pag-alis ng tugma ay katumbas ng pagsuway sa natural na daloy o galaw ng buhay .
Sinasabi na unti-unting naglaho ang pagbigkas ng bugtong, kasebian, kuwentong-bayan at awiting-bayan nang ang paglalakbay sa gabi ay mas naging peligro dulot marahil ng pagdami ng mga masasamang loob.
Sa mga nabanggit na anyo ng panitikan, makikita na ang panitikan ay isang natural na bahagi ng pamumuhay ng mga Kapampangan. Ang panitikan ay hindi isang bagay na ginagamit at nililikha lamang ng mga intelekwal sa paaralan o unibersidad kundi isang elemento na nakatahi sa iba’t ibang gawain ng tao – sa lamay, pagtatrabaho, panliligaw, pagkikipagkapwa, at iba pa. Bukod pa rito, ang panitikan ay nagsisilbing paliwanag at paglilinaw ng iba’t ibang tradisyon. Halimbawa, ang pagbigkas ng bugtong sa mga lamayan ay isang pahiwatig na para sa mga Kapampangan, ang okasyong ito ay isang masayang pagkakataon , isang pagtingin na maaring taliwas sa paniniwala ng ibang grupo ng tao.
Makikita sa mga sinaunang anyo ng panitikang Kapampangan ang kalikasan bilang pangunahing paksa o inspirasyon. Sinasalamin nito ang kaisipang nagpapahayag na ang lahat ay bahagi ng kalikasan . Mapagtatanto rin na ang sinaunang panitikan ay isang paraan upang maipaliwanag ang mga hindi maipaliwanag na lubos na maaaninag sa mga alamat .
Ang heograpiya rin ay may malaking papel sa paghubog ng sinaung Panitikang Kapampangan. Mapapansin na ang Bundok Arayat o kilala rin sa tawag na Bundok Alaya ay isang popular na paksa ng mga gawang pampanitikan. Dulot ito marahil ng katotohanan na tanaw ang naturang bundok sa 22 bayan ng lalawigan .
PANANAKOP NG MGA ESPAÑOL
Taong 1571 nang mapasailalim sa mga Español ang Pampanga sa pamumuno ni Martin de Goiti at nang ito ay maging lalawigan o alcaldia. Naganap ito matapos matalo si Raja Soliman ng Tondo .
Sa maraming pagkakataon, makikita ang mapayapang pakikipag-ugnayan ng mga Kapampangan sa mga Español. Taong 1574 nang mangyari ang pag-aalsa ni Lumahong, na isang piratang Tsino. Dito, nasaksihan ang paglaban ng mga Kapampangan sa panig ng mga Español. Noong 1603 naman, tuluyang naging bahagi na ng sandatahang lakas ng mga Español ang mga Kapampangan. Ang katapatan ng mga kawal na Kapampangan ay ilang beses na napatunayan sa maraming pagkakataong lumusob ang iba pang banyagang mananakop sa bansa. Siyempre, hindi maaring kalimutan ang mga kawal na Macabebe na kilala sa pagiging tapat nila sa mga Español .
Mabilis na lumaganap ang relihiyong Katolisismo sa Pampanga. Dumating ang mga prayleng Agustino sa lalawigan noong 1597. Taong 1600 pa lamang ay mayroon ng 15 kumbento at 1 kolehiyo royal (o royal college) ng mga Heswita ang naitayo dito. Pagdating ng 1650, niyakap na ng karamihan ang Katolisismo. Sumunod dito ang malawakang hispanisasyon ng mga Kapampangan.
Sa kabila ng kakikitaang katapatan ng mga Kapampangan sa mga Español, maraming pagkakataon din na sila ay nag-alsa. Taong 1571 nang maganap ang kauna-unahang pag-aalsa ng mga Kapampangan. Sa katunayan, sila ang pinakaunang grupo na sumubok na mapalaya ang kanilang mga sarili sa ilalim ng pamamahala ni Gobernador Heneral Don Sabiniano Manrique de Lara . Noong 1583, pumotok ang pag-aalsa nang tumindi ang kahirapan ng mga Kapampangan dulot ng sapilitang pagtatrabaho at kagutuman . Noong 1660, naganap ang isa na namang pag-aalsa sa pamumuno ni Francisco Maniago na umabot hanggang 1896. Tulad ng una, may pang-ekonomiyang katangian din ang naging dahilan ng rebelyong ito. Sinasabi na ang pangunahing bagay na nagdulot nito ay ang sapilitang pagputol ng mga troso sa Pampanga at ang malaking pagkakautang ng mga Español dulot ng pagbili nila ng palay na mula sa lalawigan. Ang kauna-unahang kuta ng Katipunan sa Pampanga ay itinatag noong Agosto 1897 . Mula 1896 hanggang 1898, nakipag-alyansa na ang ilang Kapampangan sa iba pang Pilipino. Sa lahat-lahat, naganap ang mga pag-aalasa ng mga Kapampangan sa mga sumusunod na mga taon: 1571, 1585, 1645, 1660-61 at 1898 .
Dahil sa kalapitan ng Pampanga, dito karaniwan kinukuha ang mga sangkap na materyal na kinakailangan ng Maynila . Taong 1790 nang buksan ang Maynila sa pandaigdigang kalakalan. Dahil dito, lumaganap ang pagtatanim ng tubo sa Pampanga na isa sa mga “cash-crop” ng Pilipinas noong panahong yaon .
PANITIKAN
Bukod pa sa ilang uri ng awiting-bayan na mayroon na ang mga Kapampangan bago pa man dumating ang mga Español, nalikha pa ang ilang uri ng awiting-bayan. Isa dito ay tinatawag na “goso”. Ito ay inaawit kasabay ng biyolin at tamburin tuwing gabi bago ang araw ng Todos Los Santos (All Saint’s Day). Ito ay nagtataglay ng tiyak na aral sa buhay at mabagal na tempo. Ang sa ibaba ay isang halimbawa nito:
Apu kung makibale O grandowner of the house
Maki manuk lalam bale With a hen under your dwelling
Buri ke sang pakisabi I request that tonight I shall get it
Daunan ke potang bengi. To offer fro All Soul’s Day.
E mu ne sa daraunan Please don’t offer
Ing manuk kung pakamalan The hen that I dearly love
Seli ke pang aduang dalan I have just bought it for two hundred pesos
Kang Marianung baritaklan. From worthless Mariano.
Nariyan din ang duplo na isang ring uri ng awiting-bayan. Ito ay maaring iugat sa mga Español. Ang duplo ay isang patulang laro. Ito ay tagisan ng galing sa pagpapahayag sa pamamagitan ng tula at kaalaman sa mga bagay na napapatungkol sa kultura.
Isa pa ay ang sapatya. Ang pangalan nito ay mula sa salitang “tapatio” na tumutukoy sa isang Mehikanong sayaw. Ito ay isinasayaw habang inaawit . Ito rin ay tagisan sa pagtula.
Lumaganap din ang panitikang kurido o corrido na nagmula sa corrido ng mga Español. Nagsimula ang anyong ito sa pamamagitan ng pagsasalin ng mga corrido ng Español sa Kapampangan. Ang mga corrido ay hango sa mga banyagang alamat at tula. Hindi ito inaawit o sinasayaw . Nakatanggap ng labis na kritisismo ang anyong ito sapagkat ito raw ay pawang panggagaya lamang ng mga banyagang akda. Gayunpaman, sinasabi na mas malaki ang naging impluwensiya nito sa mga tao kaysa sa mga akdang panrelihiyon . Halimbawa nito ay ang mga akdang “Conde Irlos” at “Aring Palmarin”.
Ang panahon sa pagitan ng ika-17 at ika-18 na siglo ay kilala sa tawag na Panahon ng Liriko . Sa panahong ito higit na naging talamak ang panggagaya ng istilo at damdamin mula sa panitikan ng ibang kultura. Dito, nagkaroon ng napakaraming pagsasalin at adaptasyon . Isang napakahalagang halimbawa ng adaptasyon ay ang “Mga Kuwento ni Juan”. Maraming pinasimulan ang akdang ito. Una, ito ang nagpasimula ng paggamit ng lokal na lugar o eksena sa isang anyong pampanitikan matapos itong makalimutan ng mga Kapampangang manunulat mula noong napasailalim sila sa mga Español . Dito rin maiuugat ang simula ng maikling kuwento sa Kapampangan. Ito ay bukambibig lamang at hindi nakasulat. Ang karaniwang tema nito ay ang ordinaryong pamumuhay ng isang tao sa Pilipinas .
Matapos ng mga kuwento ni Juan, namayagpag naman ang dulang moro-moro na tinatawag ding Cumidya o Kumidya. Ito ay nagmula sa kastilang “comedia”. Mula sa ordinaryong tema na makikita sa kuwento ni Juan, muling nagtungo sa likhang-isip ang panitikang Kapampangan. Hindi ito nagustuhan ng mga intelektwal noong mga panahong yaon . Gayunpaman, masasabi na ito ang nagbigay-daan sa kauna-unahang Kapampangang pagtatanghal sa entablado . Ang moro-moro ay isang melodrama na kinatatampukan ng mga Muslim at Kristiyanong tauhan. Ito ay pataludtod at may musika.
Isa pang anyong pampanitikan ng nagmula sa corrido ay ang kuriru. Hango sa kastilang “corrido”. Mayroon itong 12 o mas mababa sa 12 pantig bawat linya. Isang halimbawa nito ay ang “Corrido King Bye nang Keralanan ning Prinsipe king Imperio Francia ila ning Princesa Adriana king Kayaria’ning Antioquia” (Corrido tungkol sa Buhay ni Prinsipe Felix ng Kaharian ng Espanya at ng Emperatris Valeriana ng Kaharian ng Persia).
Isa pang uri na panitikan noon ay ang pasion. Ito ay mula sa mga Español. Ito ay kilala rin sa tawag na “pabasa” . Isang akda ng pasion ang itinuturing na kauna-unahang gawang naisalin sa Kapampangan. Ang pagsasalin ito ay ginawa ni Rev. P. Banda. Puni naman ang tawag kung ang pasion ay ginagawa bilang isang pampublikong aktibidad .
Mayroon ding tinatawag na cenaculo. Ito ay itinuturing na mas mahalaga kaysa sa moro-moro. Binibigyang diin nito ang makasaysayan at pangheograpiyang katotohan na taglay ng isang gawang pampanitikan. Ito ang nagbigay-daan sa pagkakalikha ng zarzuelas dahil sa makukulay na kasuotang ginagamit dito. Isa pang mahalagang palabas na kaugnay sa cenaculo ay ang salubong. Itinatampok nito ang kuwento ng pagkikita ni Kristo at ni Inang Maria matapos ang muling pagkabuhay ng una. Tulad ng cenaculo, ito rin ay makatotohanan.
Nariyan din ang mga liham. Hindi ito isang talaarawan o talambuhay . Maraming uri ng Kapampangang liham subalit masasabi na hindi ito orihinal sa kanila .
Mula ika-18 at 19 na siglo laganap pa rin ang pagsasalin sa Kapampangan. Nangunguna rito ang pagsasalin ng mga akdang panrelihiyon na nakasulat sa Español o Latin . Ang pagsasalin ay karaniwang ginagawa ng mga edukadong taong layko. Ang mga produkto ng kanilang mga pagsasalin ay kilala sa pagiging tiyak at eksakto, at pagtataglay ng ganda at laman . Sa mga panahon ding ito, ang pagbabasa ay isang pangunahing libangan sa mga taong marunong nito .
Sumulpot din ang harana na pinaniniwalaang nagmula sa mga Español . Ito ay mga awit ng pag-ibig na kinakanta kasabay ng instrumentong pangmusika. Karaniwan, ito ay hango sa orihinal na komposisyon .
Mayroon ding tinatawag na dalit na tumutukoy sa mga pangkaraniwang awitin . Awit naman ang tawag sa isang metrikong akda na hango sa mga kabalyerong romansa ng mga Español . Mga halimbawa nito ay ang “Kasulatang Gintu” at “Napun Ngeni at Bukas” (Kahapon, Ngayon at Bukas) ni A. Tolentino.
Ang kauna-unahang aklat na nakasulat sa Kapampangan ay nalimbag noong 1732 .
Kung sa kasalukuyan ay may nagaganap ng paghahalo ng wikang Tagalog at Ingles sa isang akda na tinatawag na Taglish, nagkaroon din ng paghahalo ng Kapampangan at Español sa isang gawa . Gayundin naman, kung may carillo ang mga Tagalog, mayroon namang potei o kikimut ang mga Kapampangan. Ito ay isang dulang gumagamit ng anino ng mga tauhang kahoy (“shadow play”).
Ang bayan ng Bacolor ang itinuturing na Athens ng Pampanga noong mga panahong ito. Ito rin ang sentro ng lalawigan hanggang 1903.
REBOLUSYON AT PANAHON NG MGA AMERIKANO
UNANG GRUPO NG MGA MANUNULAT
Masasabi na nagsimula lamang ang pag-usbong ng patriotismo sa Pampanga 20 taon lamang bagong naganap ang rebolusyon ng 1896 .
Ang unang kuwarto ng ika-20 siglo ang tinaguriang Ginintuang Panahon ng Panitikang Kapampangan . Sa panahong ito sumikat ang zarzuela. Ito ay isang dulang inaawit na may halong diyalogo. Dinala ito ni Alejandro Cubero sa Pampanga mula sa España noong 1880 . Noong una, tinanggihan ito ng mga Kapampangan dulot ng pagnanais ng mga bagay na katutubo o filipinisasyon . Subalit, nang lumaon ay lumaganap din ito at pagdating ng 1902, halos lahat na ng bayan sa Pampanga ay may lokal na grupong nagpapalabas ng zarzuela. Seteyembre 13, 1900 nang ipalabas ang kauna-unahang zarzuela sa wikang Kapampangan – “Alang Dios”.
Inilalarawan ang panahong ito bilang bago, malikhain at orihinal. Binansagan ito bilang Panahon ng mga Dramang Kapampangan. Dito sa unang pagkakataon, lumabas ang mga musikal na komedya at trahedya. Ang kauna-unahang gawang komedya ay isinulat ni Mariano Proceso Pabalan-Byron. Ang drama ay naging behikulo ng makabayang mensahe at kaisipan .
Ang mga kilalang manunulat sa panahong ito ay sina J.C. Soto, M.P. Byron, F.N. Galura, lahat ay mula sa bayan ng Bacolor. Subalit, si Fr. J.A. Fajardo ang itinuturing na tagapagpauna ng panahong ito.
Sa pagitan ng mga taong 1907 at 1916 iniuugat ang simula ng peryodismo sa Pampanga. Ang mga kilalang peryodista noong mga panahong ito ay sina J.C. Soto, F.N. Galura, Liongson, A. Tolentino, Z. Hilario, P. Gozun at J.G. David. Ang kauna-unahang diyaryo ay nailimbag noong 1907 na may pangalan na “Ing Emañgabiran” sa ilalim ng patnugot na si V. Neri. Ang ilan pang pangalan ng mga diyaryong naitatag noon ay ang “Ing Balen” (Ang Bansa), “Ing Bandila”(Ang Bandila), “Ing Katimawan” (Kalayaan), “Ing Alipatpat” (Ang Alitaptap), “Ing Catala” (Ang Loro) at “Ing Katiwala”. Ang dalawang naunang pamagat ay tumutukoy sa mga diyaryong maituturing na pinakapampanitikan. Ang mga Kapampangang diyaryo ay maaring isinulat sa Kapampangan o sa Español . Sa kasamaang palad, marami rito ang hindi masyado nagtagal.
PANGALAWANG GRUPO NG MGA MANUNULAT
Karamihan ng mga manunulat na kabilang sa grupong ito ay mula sa mga bayan Sexmoan at Guagua tulad nina Jacinto at Aurelio Tolentino,F. Simpao, at M. Mercado. May ilan din namang nagmula sa bayan ng Bacolor gaya nina Jose Gutierrez David, Eduardo Gutierrez David, Z. Hilario, I. Gomez, at E. Joven na namayagpag noong 1910 – 1930. Sina Brigido Sibug, F. Bautista, Urbano Macapagal, S. Navarro Jr., C. Gwekoh, Agustin Bustos-Zabala, C. Pineda, at E. Cunanan ay maibibilang din sa grupong ito .
PANGATLONG GRUPO NG MGA MANUNULAT
Ang mga manunulat na kabilang dito ay nakilala noong dekada 1940. May mga manunula tulad nina Amado Yuzon, S. Punsalan, P. Macapagal, R. Reyes, B. Navarro, S. Tumang, F. de Castro, at R. Talavera at pati na rin mga manunulat ng zarzuela gaya nina J. Yonzon, B. Talao, S. Talao, at J. Gallardo. Kaiba ng dalawang naunang grupo, mula sa iba’t ibang bayan ang mga manunulat dito.
Mula 1921 hanggang 1941, itinuturing na buhay na buhay ang panitikang Kapampangan. Ang karaniwang tema ng mga seryosong manunulat sa panahong ito ay patriotismo. Ang Magalang at Bacolor ay kilala bilang mga bayan kung saan masigla ang panitikan.
Maraming mga nobela at maikling kuwento ay nalikha sa panahong ito . Sa maikling kuwento, nangunguna diyan si J.F. Sanchez. Mayroon ding mga sanaysay kung saan tanyag naman si S. M. Punsalan.
Mula 1942 hanggang 1982, kapansin-pansin ang pagkawala ang mga lirikong tula. Sa panahon ding ito, ang zarzuela ay higit na itinuring bilang isang anyo ng libangan.
Noong 1924, nagkaroon ng maraming welga sa Pampanga nang magkaroon ng alitan sa pagitan ng mga may-aring lupa at mga kasama. Naitayo din ang Aguman ding Maldang Talapagobra (AMT) na isang sosyalistang samahan. Nagkaroon din ng HUKBALAHAP
Malaki ang naging dulot ng Ikalawang Digmaang Pandaigdig. Nagkaroon ng paglipat ng wika ng panitikan mula sa Kapampangan at Español patungo sa Ingles. Dito rin napansin ang pag-unti ng mga taong nagbabasa. Sa kabila ng katamlayang ipinamalas sa huling mga dekada, ang mga taong 1977 hanggang 1979 ay kinakitaan ng muling pagkabuhay sa Panitikang Kapampangan.
Noong 1978, itinatatag ang Don Gonzalo Puyat Memorial Awards, isang parangal para sa mga natatanging gawang pampanitikan sa Kapampangan. Ito ay isang taunang parangal.
May ilan ding samahang pampanitikan ang naitatag ng mga Kapampangang manunulat. Noong 1964, naitayo ang Aguman Ding Talasulat Kapampangan o AGTAKA . Mula noong 1921 hanggang 1941maraming mga panulaang samahan din ang napasiyanan tulad ng “Munag-Munag” (Bukang-liwayway), “Tagimpan Ning Talasulat” (Panaginip ng Manunulat), “Sulu at Panyulat” (Liwanag at Panulat) – ang mga nabanggit ay nakabase sa Magalang, Pampanga – “Aslag” (Sinag ng Araw) at “Lira Pampangueña” (Kapampangang Lira) – na nakabase naman sa Tarlac. Nariyan din ang “Akademya ning Amanung Kapampangan” (Academia Pampangueña de Artes y Letra)